KABANATA I
SULIRANIN
AT KALIGIRAN NITO
1.
Introduksyon
Pagka-gradweyt
ng mga estudyante sa hayskul isang malaking hamon na naman para sa kanila ang
pagpapatuloy ng kanilang pag-aaral sa kolehiyo at kaakibat sa hamong ito ay ang
pagdedesisyon sa kung anong karera ang kanilang tatahakin o kurso ang kanilang
pipiliin.
Ayon
kay Rodman Webb at Robert Sherman (1989), “Ang salitang career ay maaaring
tumutukoy sa isang linya ng trabaho o sa kurso ng propesyunal na buhay ng isang
indibidwal.” Ang dalawang kahulugan ng salitang ito ay nagbibigay liwanag na
ang karerang tatahakin o kukunin ay kailangang pinag-isipan at binuo ayon sa
sariling kagustuhan at sa pangangailangan ng lipunan. Samakatuwid, iba-iba ang
batayan ng bawat indibidwal ukol sa kung anong karera ang nais niyang tahakin.
Ang
pagpili ng kurso para sa mga mag-aaral ay isang mahalagang bagay sapagkat dito
nakasalalay ang pera ng kanilang mga magulang, ang paghihirap na ilalaan at
higit sa lahat ang pagkakaroon nila ng magandang kinabukasan. At hindi natin
maipagkakaila na isa ang kursong edukasyon na hindi mawawala sa listahan ng
pagpipilian dahil na rin sa magagandang oportunidad at benepisyo na makukuha
kung makapagtapos ng kursong ito.
Ang edukasyon bilang isang propesyon ay sinasabing pagpasok
din sa isang bokasyon - bokasyon ng pag-aalay ng
iyong sarili upang hubugin ang kaalaman at asal ng mga mag-aaral na siyang
pag-asa ng ating bayan.
Ayon sa Diksyunaryung Webster, ang guro ay isang tao na magtuturo
o magbibigay instruksyon. Subalit, higit pa sa
kahulugang iyon ang pagiging isang guro. Ang guro ay
isang misyonaryo; halintulad ng Poong Maykapal na may awtoridad na
gumawa ng espesyal na gawain para sa ikauunlad ng isang indibidwal na puno ng
sensiridad, pagmamalasakit at pag-unawa. (Lorda Bacoco Dunemdez, 1996) Sa kabila ng katotohanan na ang pagiging guro ay
hindi isang propesyon na magpapayaman
sa isang indibidwal, may mga kabataan pa ding nagnanais na maging guro o
kumuha ng kursong Edukasyon bunsod ng iba’t ibang kadahilanan.
Pero bakit nga ba kung titingnan natin ang populasyon ng
bawat Field of Specialization sa College of Teacher Education (CTE) Antas
Sekondarya ay kakaunti lamang ang nagpakadalubhasa sa Filipino? Ano ba ang mga
dahilan ng mga mag-aaral kung bakit sila kumuha ng Filipino?
Ilan
lamang ang katanungang iyan na nag-udyok sa mga mananaliksik na gawin ang
masusing pagsusuri at pananaliksik sa paksang ito.
2.
Layunin ng Pag-aaral
Ang
pag-aaral na ito ay isang pagtatangka sa pag-alam sa mga kadahilanan ng mga
mag-aaral na nasa unang taon ng Kolehiyo ng Edukasyon-BSed sa Unibersidad ng
Cebu Lapu-lapu at Mandaue sa pagkuha nila ng Filipino bilang major.
Layunin
nitong masagot ang mga sumusunod na tiyak na mga katanungan:
1. Ano ang bahagdan ng mga mag-aaral na kusang-loob na pinili
ang kursong Edukasyon major sa Filipino?
2. Ano ang kanilang saloobin sa asignaturang Filipino?
3. Anong kasarian ang may mataas na bahagdan sa mga mag-aaral na
pumili ng Filipino bilang major?
3.1 Bakit mas marami
ang mga babaeng kumukuha ng major sa Filipino kaysa sa mga lalaki?
4. Anu-anong mga salik ang nakaimpluwensya sa kanila na kumuha
ng kursong Edukasyon major sa Filipino?
3.
Kahalagahan
ng Pag-aaral
Naniniwala ang mga mananaliksik na signifikant ang
pag-aaral na ito. Para sa School Administrator ng Collage of Teacher Education
sa Unibersidad ng Cebu Lapu-lapu at Mandaue na mapanatili at maiangat ang
kalidad ng BSed major sa Filipino ng Collage of Teacher Educatuon. Sa
pamamagitan ng bilang ng mga enrolees sa unang taon ng semestre na kumuha ng
BSEd major in Filipino na may taglay na interes at pasyon sa asignaturang
Filipino. Ito ay makatutulong sa kanila upang malaman ang kabuuan o bilang ng
mga mag-aaral na ibig talagang pinili ang kursong Edukasyon major sa Filipino o
napipilitan lamang dahil sa impluwensya ng iba.
Sa mga guro ng Filipino,
mapakikinabangan din ang pag-aaral na ito sa pamamagitan ng pagpili ng mga
metodo at istilo na dapat gamitin sa pagtuturo ng asignaturang Filipno. Ito ay
magbibigay sa kanila ng kaalaman kung paano nila gagabayan ang kanilang mga mag-aaral.
Gayundin, kung paano nila matutulungan ang mga mag-aaral upang mahikayat na
ipagpatuloy ang kursong nasimulan.
Sa mga magulang naman, ang pag-aaral na ito ay
makatutulong upang mas maunawaan nila ang saloobin ng kanilang mga anak ukol sa
kursong nais kunin, ang mga nakaimpluwensya sa kanila at ang dahilan kung bakit
nila pinili ang kursong Edukasyon major sa Filipino.
Higit sa lahat, naniniwala ang mga mananaliksik na
ito ay higit mapakikinabangan ng mga mag-aaral ng ng BSed major in Filipino. Sa
pamamagitan ng mga datos mula sa pag-aaral na ito ay matugunan ang mga
katanungan, kung bakit iilan lang ang mga kumuha ng Filipino bilang major at
malalaman din nila na higit na kinakailangan ng gurong Filipino sa mga iba’t
ibang paaralan. Ito rin ay makatutulong sa mga mag-aaral upang mabatid nila
kung sila ba ay tunay na desidido sa kursong kanilang pinili.
4. Saklaw at Limitasyon
Ang pag-aaral na ito ay isang pagtatangka sa pag-alam sa mga
kadahilanan ng mga mag-aaral na kumukuha ng asignaturang Filipino bilang major.
Saklaw nito ang pagsusuri ng mga personal at pangkaligirang varyabol na
maaaring may kaugnayan sa pagpili nila nito katulad ng kusang-loob ba nilang
pinili ito, saloobin sa asignatura, kasarian at mga salik na nakaimpluwensya sa
kanila.
Nilimitahan ang
pag-aaral na ito sa isang Kolehiyo ng Edukasyon sa Unibersidad ng Cebu
Lapu-lapu at Mandaue. At lalo pang nilimitahan ang pag-aaral na ito pagkat
ito’y mayroon lamang apat na pu’t limang (45) respondenteng mag-aaral na
kumukuha ng Edukasyon-BSed at pinili ang asignaturang Filipino bilang major na
nasa unang taon, sa unang semester ng taong-akademikong 2013-2014.
5.
Definisyon ng mga Terminolohiya
Para sa layunin ng
konvensyon at ganap na pag-unawa, ang mga sumusunod na terminolohiya ay
binigyan ng kaukulang operasyunal na definisyon, kung gayon, batay sa kung
paano ginamit ang bawat salita sa pamanahong-papel na ito:
Ang mag-aaral o estudyante
(student sa Ingles) ay siyang taong nag-aaral at maaaring bihasa sa talino. Ang
estudyante ay tinuturuan ng guro na mag-aral at makadiskubre ng mga bagay.
Lahat ng tao ay dumadaan sa proseso ng pagiging estudyante.
Ang guro ay ang
nagtuturo sa mga aralin sa paaralan; taong ang propesyon ay magturo.
Ang salik ay
mahahalagang sangkap o elemento.
Ang bahagdan ay
isang reyso/antas na nagpapakilala sa bilang ng mga mag-aaral na kumukuha ng
mayoryang Filipino.
Ang impluwensya ay
mga bagay o pangyayari na nakaka-apekto sa isang desisyon, pasya o gawi.
Ang benepisyo ay
mga bagay na mapapakinabangan o suporta.
Ang extrinsic ay
pisikal na benepisyo o konkretong benepisyo tulad ng sahod at impluwensya. Ang intrinsic naman ay pansariling
kasiyahan o personal na pagkakuntento.
Ang asignaturang
Filipino ay isang asignaturang nagpapalawak sa ating kaalaman sa pagsulat
at pagbasa. Lalong-lalo na sa pag-alam ng ating sariling kultura. Ito ay
nakatutulong sa atin para tayo mabihasa sa ating wika at panitikan. Ang impluwensya
ay isang lakas, puwersa o kapangyarihang nakapagbabago na nagmumula sa labas ng
isang tao o isang bagay na naimpluwensyahan nito.